Annalyn Biagtan

writer | blogger

Si Annalyn Biagtan ay isang nagsisimulang manunulat mula sa bayan ng Mapandan, probinsya ng Pangasinan. Nagtapos siya ng kursong Mass Communication sa University of Pangasinan—Phinma Education Network sa lungsod ng Dagupan. Sa kasalukuyan, higit limang taon na siyang online tutor sa mga batang dayuhan na nagnanais makapagsalita ng Ingles.

Unang nagsulat si Annalyn ng isang maikling kuwento noong siya ay edad labing-tatlo nang magkaroon ng celebrity crush. Nakahiligan niya ang pagsusulat ng mga kuwento na ang pangunahing tema ay pag-ibig na siyang kinagiliwan naman ng kaniyang mga kaibigan at kaklase sa loob ng isang taon. Nang mga huling taon niya sa kolehiyo ay saka na muli siya namumbalik sa pagsusulat. Sa pagkakataong ito, dahil naman sa kaniyang pagkahumaling sa mundo ng Korean drama at K-Pop culture.

Taong 2017, muling nagbukas ang pinto ng pagsusulat kay Annalyn nang maging miyembro ng KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko at Titik. Siya ay naging aktibong miyembro at kontribyutor sa ilang proyekto ng organisasyon. Sa unang pagkakataon rin, lumahok siya sa kanilang inter-org competition at nakapagkamit ng unang karangalan sa pagsusulat ng maikling kuwento na may tema patungkol sa mga superhero. Sinubukan niya ring lumahok sa isang tanyag na blog awards sa Pilipinas, ang Saranggola Blog Awards at pinalad na magkamit ng ikalawang karangalan sa kategoryang Kuwentong Pambata.

Sa kasalukuyan, inilalaan niya ang kaniyang panahon sa paglikha ng antolohiya ng mga kuwentong pambata na pinamagatang Kapit-Kamay: Kumpol ng mga Makabagong Kuwento para sa mga Kabataan.


MGA PARANGAL:

  • Ikalawang Karangalan, Saranggola Blog Awards 2019 (Kuwentong Pambata)
  • Unang Karangalan, Pagsulat ng Kuwentong Pambata