Maria Kristelle C. Jimenez

publisher | author | editor | book layout artist

Nagtatrabaho bilang freelance writer, layout artist, at website specialist sa Pampanga si Maria Kristelle Jimenez. Magmula nang lumahok siya ng campus journalism sa loob ng siyam na taon, ipinagpatuloy ni Kristelle ang paglagalag sa mundo ng pagsusulat at paglilimbag sa iba’t ibang lupalop ng Metro Manila, Laguna, at Pampanga.

Sa kaniyang maikling buhay bilang kolehiyala, naging editor-in-chief ng The Teacher’s Gazette, ang opisyal na newsletter ng Laguna State Polytechic University—College of Teacher Education. Siya rin ay naging senior editor ng The Gears Publication, ang opisyal na college paper ng nasabing unibersidad sa loob ng dalawa at kalahating taon. Isa rin si Kristelle sa naging tagapagtatag ng kauna-unahang literary arts group sa kanilang unibersidad, ang LAGALág: Literary Arts Guild Augmenting Laguna.

Nang lumaon, iniwan ni Kristelle ang buhay-kolehiyo at nakipagsapalaran sa siyudad ng Mabalacat, na matatagpuan sa Pampanga. Makalipas ng tatlong taon niyang pamamalagi rito, nagbunga ito ng samu’t saring produksyon ng zine, megazine, at iba pang proyektong may kinalaman sa sining at literatura.

Ilan sa kaniyang mga akdâ ay nakatanggap ng karangalan sa Saranggola Blog Awards, kung saan dalawang taon na siyang nagwawagi sa mga kategoryang kuwentong pambatà (2018), sanaysay (2017), at dagli (2018). Ang kaniyang website na Espermarya ay panaka-nakang naglalabas ng mga akdâ.

Gayundin, nagkakaroon siya ng taunang pagbabahagi ng libreng e-book, kung saan ibinabahagi niya ang kaniyang kaalaman sa pamamagitan ng pagtulong sa mga bagong sibol na mga manunulat na lumikha ng kanilang zines, websites, at iba pang anyo ng babasahin.

Nang maitatag niya ang Rebo Press Book Publishing, napagdesisyunan niyang gamitin ang sagisag-panulat na Kristelle D. Castillo. Sa panahong ito, nalikha niya ang koleksiyon ng mga personal na sanaysay na pinamagatang Salamín: Mga Personal na Prosa.


MGA PARANGAL:

  • Unang Karangalan, Saranggola Blog Awards 2017 (Ispesyal na Kategorya)
  • Finalist, Kuwentista ng Taon, Gawad Digmaang Rosas XIV
  • Unang Karangalan, Saranggola Blog Awards 2018 (Kuwentong Pambata)
  • Ikatlong Karangalan, Saranggola Blog Awards 2018 (Dagli)
  • Finalist, Photographer of the Year, Gawad Digmaang Rosas XV (On-going)
  • Finalist, Mananaysay ng Taon, Gawad Digmaang Rosas XV (On-going)
  • Finalist, Makata ng Taon, Gawad Digmaang Rosas XV (On-going)